Ang Kabanata 32 sa SI

image

Mario Lim, Lalakeng naiwan ng barko
Carmen, Babaeng naiwan din ng barko

Ito’y isang bahagi lamang ng isang kabanata ng librong puno ng feels, SI ni Pareng Bob Ong.

Mario Lim: Gusto? Adobo. Noong bata ako, menudo, pero nagsawa rin ako, at ngayon mas gusto ko na ang kaldereta. Kaldereta at adobo, Ikaw?

Carmen: Ikaw.

Mario Lim: ‘Yon ang sa akin.

Carmen: Ikaw. Gusto kita.

Mario Lim: Anong ibig mong —

Carmen: Hindi ko sinabing kailangan kita. Hindi ko sinabing kailangan tayong magsama. Hindi kailangang magpakasal tayo at bumuo ng pamilya. Huwag kang tanga. Sabi ko lang, gusto kita, wala akong dapat takbuhan. Wala akong gustong paroonan. Hindi nauubos ang gabi at walang katapusan ang umaga. Walang oras o lugar. Wala akong ibang iniisip. Wala akong gustong isipin. Humihinga lang ako. Dito sa tabi mo.

Mario Lim: Hindi ako aalis.

Carmen: Bakit, gusto mo ako?

Mario Lim: Oo.

Carmen: Ang sabi ko, bakit gusto mo ako?

Mario Lim: Hindi ko alam.

Carmen: Ikaw pa lang ang nakasagot nang tama sa tanong na ‘yan.

Mario Lim: Sasamahan kita.

Carmen: Sabi mo hindi ka aalis.

Mario Lim: Carmen…

Carmen: Babalikan kita. Kung mahal mo ‘ko ay hindi ka mawawala.

Mario Lim: Kailan —

Carmen: Anim na Linggo

Mario Lim: Saan ka matatagpuan?

Carmen: Hindi ako mawawala

Mario Lim: Pero —

Carmen: Hindi ako mawawala. Hindi na ulit.

Mario Lim: Maghihintay ako.

Carmen: Magkita tayo. Heto, itago mo ang panyo ko. Hindi ako nawawalan ng panyo. Itago mo, at kukunin ko ulit sa’yo pagbalik ko.

Umandar ang mabagal na oras. Lumakad ang mahahabang araw. Dumating at lumipas ang anim na linggo. Hindi na muling nakita ni Mario Lim sa pier si Carmen. Naging tag-init ang taglamig. Naging tag-ulan ang tag-init. Naging taglamig ang tag-ulan. Tumakbo ang panahon. Walang pakundangang gumalaw ang mga bituin at planeta. Kumupas ang mga sumpaan at alaala. Ilang ulit mang binalikan ang lugar, hindi na muling natagpuan ni Mario Lim ang buhay niya.

9 thoughts on “Ang Kabanata 32 sa SI

Leave a comment